Homilya ng Obispo: Coronacion Episcopal ng La Purisima Concepcion de Baliuag

HOMILIYA NG OBISPO

Coronacion Episcopal: La Purisima Concepcion de Baliuag

Ang Birhen sa Patio

01 Pebrero 2021

Lub. Kgg. Bartolome Santos, Jr., Obispo ng Iba; Lub. Kgg. Honesto Ongtioco, Obispo ng Cubao; Rdo. Mons. Andres Valera, ang ating minamahal na kura paroko; mga kapatid na mga pari, sa ating Hermana Mayor de la Coronacion Episcopal, Papal Dame Amelita Rodriguez Tengco, at ang kanyang mga anak na sina Gng. Maria Victoria Tengco-Burgos, at Gng. Maria Janina Tengco-Castro; ang mga kagalang-galang nating mga opisyales ng Pamahalaan, Cong. Apol Pancho, Mayor Ferdie Estrella, Konsehal Ogie Baltazar, at mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Baliuag, mga kapatid sa pananampalataya, magandang gabi po sa inyong lahat.

Matapos nating koronahan ang imahen ng Mahal na Birhen sa Patio, tayo po ay pumasok sa simbahan, naiwan doon ang ating kinoronahan, pero kung tutuusin, hindi po natin siya iniwan, siya ay kusang nagpaiwan doon sa Patio at iyon ay may dahilan. Ang Mahal na Birhen sa Patio ay nananatili sa Patio sapagkat siya ay isang ina. At ano po ang ugnayan ng kanyang panantili doon sa kanyang pagkaina?

Una po: ANG ISANG INA AY NAGSUSUBAYBAY SA KANYANG MGA ANAK. Ang ina na nag-aalaga ng kanyang sanggol ay hindi matutulog, nagbabantay, nagtatanod sa kanyang anak hanggang ito mismo ay makatulog. Ang isang ina ay palaging nagsusubaybay, nagtutunghay sa kanyang mga anak. Kaya po ang pwesto doon ng ating Mahal na Ina ay isang magandang tuntungan upang makita niya ang lahat ng mga BaliuagueƱo sa kanilang pang-araw-araw na gawain. Kitang-kita niya ang mga nagtitinda at ang mga bumibili. Kitang-kita niya ang mga nanay na pumupunta sa palengke, ang mga tatay na sumasakay sa Baliwag Transit, kitang-kita niya ang mga kabataan–kumakain sa Jollibee. Kitang-kita niya ang lahat ng gawaing pang-araw-araw ng mga tao. At ito ay nagbibigay sa kanya ng kasiyahan. Sapagkat lahat ng bagay na ito ay para sa ikauunlad ng tao at ng Sambayanan, at ito din ay kaaya-aya sa Panginoon, paraan upang tayo ay magiging banal. The value of daily work. Ang mga gawain natin para sa ikauunlad ng ating buhay, ng ating mga hanap-buhay, ang mga bata na pumapasok sa eskwelahan noong wala pang pandemya, ito ay sinubaybayang lahat ng ating Mahal na Ina. Kaya po, hanggang ang Mahal na Birhen ay nasa kanyang tuntungan sa Patio, huwag tayong matakot, sapagkat ang Mahal na Birhen ay nagsusubaybay sa aitn, nagbabantay sa atin, at ang pagbabantay na yaon ay hindi naghahanap ng mali, hindi nanghuhusga, hindi naghahatid ng kung ano-anong balita na nakasasama sa reputasyon ng tao. Ang pagmamasid na yaon ay isang pagmamasid, pagbabantay ng isang ina na nagmamahal sa kanyang mga anak, kaya po huwag tayong matakot. Pag-ibayuhin natin ang ating mga gawain, at gamitin natin ito para sa ikauunlad ng ating sarili, ng ating pamilya, ng ating sambayanan, upang tayo ay maging banal. Banal sa mundong ito, kaaya-aya sa mga mata ng Diyos.

Pangalawang dahilan po kung bakit ang ating Mahal na Birhen ay nananatili sa Patio: SAPAGKAT SIYA AY NAGHIHINTAY. Naghihintay. Naaalala ko po ang aking sariling nanay noong nasa high school pa ako sa Cebu. Ang bahay namin, lalakad ka pa ng mga 1 kilometer bago makarating sa main road, at ang dinadaanan ay medyo madilim. Noong high school pa ako, natuto akong hindi magpaalam, hindi magpaalam na ma-late akong umuwi. Kaya noong isang pagkakataon, dumating ako ng mga a las diez ng gabi, hindi ko siya natawagan, nagulat na lang ako nang ako ay bumaba sa jeep, nandoon ang aking nanay sa kanto–naghihintay. I was surprised and concerned kasi po ay madilim ang lugar na iyon, ngunit nandoon siya, naghihintay. Sabi ko po, “bat po kayo nandito?” Sabi niya, “hindi ka naman kasi nagpaalam. Hindi ka man lang tumawag sa telepono.” . . . Sabi ko po, “hindi naman kailangan. Alam ko naman po ang daan.” Sabi niya, “hindi ako makatutulog hanggat hindi ka dumarating.” Ganoon po ang mga nanay natin, hindi makatutulog hanggat hindi tayo dumarating sa gabi. Kaya po kayong mga kabataan ngayon, huwag po ninyong bigyan ng concern (alalahanin) ang inyong mga magulang. Minsan kasi, a ng mga kabataan, huli nang umuwi, hindi man lang nagpapaalam. At wala kayong rason ngayon na hindi magpapaalam dahil mayroon kayong cellphone. Text lang, “Nay, Tay, mahuhuli akong umuwi.” Unang rason kung bakit hindi ninyo ginagawa iyon, sasabihin ninyo, “wala po akong load.” Pero may load para sa telebabad ng barkada. Ang dahilan talaga kung bakit hindi kayo nagte-text at nagpapaalam ay ayaw ninyong sagutin kayo, sabihin na “umuwi ka na.” ‘Yong hindi ka pahintulutan at sabihang, “umuwi ka na ngayon din.” ‘Yon ang ayaw ninyo, kaya, nagmaang-maangan. Walang load, o low batt. Low batt–wala nang ibang tanong doon. “E low batt kasi, Nay, hindi kita matext.” Ngunit kung alam n’yo lang ang pagkabalisa ng isang magulang na hindi nakakatulog dahil wala pa, hindi pa umuuwi si Junior, o yung dalagita. Alam n’yo po, ‘yong mga magulang natin, sanggol pa tayo, hindi na sila nakatutulog nang maayos, dahil sila ay nagsubaybay, nagtatanod sa atin. Noong mag-teenager tayo, kayo, ganoon din, hindi rin nakatutulog dahil nababalisa, ang kanilang anak, hindi pa umuuwi, a las dos na ng umaga, hindi man lang nagsasabi kung nasaan. Kung sa bagay, mayroon ding mga magulang na walang pakialam. Hindi man lang nababalisa na ang kanilang mga anak ay hindi umuuwi sa tamang oras. Nawa’y tularan natin ang ating Mahal na Birhen, nagsusubaybay, naghihintay kung kailan tayo babalik, kung kailan tayo uuwi.

Ano po ang ating response sa kanyang paghihintay sa atin? Nawa’y umuwi na tayo. Huwag pong magtagal na nasa labas ng simbahan. It’s very symbolic na ang Mahal na Birhen ay nasa labas ng simbahan–naghihintay kung kailan babalik ang mga anak na nawawalay. Marami kasi sa atin ay hindi naman masamang tao, hindi naman masamang tao, pero parang hindi rin naaayon ang buhay totally sa kalooban ng Panginoon. Yun po bang Kristiyano na nagpapa-bandying-bandying lang. “Tutal naman, nandiyan lang ang Simbahan, kung gusto kong magkumpisal at bumalik sa Diyos, nandiyan lang naman ‘yan, hindi naman lalakad ang simbahan.” Hindi nga po, ngunit nagsasara rin ng pintuan. Ito po ay Puso ng Diyos, ang Simbahan ay nagsisimbulo ng Puso ng Diyos. Nandiyan ang Mahal na Birhen, tumatawag sa atin, “bumalik na kayo at huwag magtagal.” Don’t stay too long, and don’t postpone returning to God in full, giving your whole life to Him. Allowing His light to scatter [in] the dark corners of your life, sapagkat totoong tayo’y Kristiyano, hindi man masamang tao, pero merong mga sulok sa ating buhay na ayaw nating masinagan ng liwanag ng Panginoon, at ito ‘yong tinatago natin, tinatakpan natin, pinakaiingatan natin at binabalik-balikan na mga kasalanan. Preventing us fully from opening our hearts and life to God. Kaya po naghihintay ang Mahal na Birhen, “bumalik na kayo, Huwag magtagal. The day, the night is almost over.”

Pangatlo pong dahilan kung bakit nananatili ang Mahal na Birhen sa Patio: SIYA AY NASA LABAS NG SIMBAHAN UPANG TAWAGIN TAYO, UPANG IPAHAYAG ANG PAG-IBIG NG DIYOS, AT TAWAGIN TAYONG MGA NAWAWALAY AT HINDI NA NAGBIBIGAY-PANSIN SA PAG-IBIG NG DIYOS. Ang kanyang kinatatayuan ngayon fits aptly what Pope Francis is talking about. Sabi po ni Papa Francisco, “lumabas tayo sa simbahan at hanapin natin ang mga tao sa laylayan.” Let’s go out of our comfort zones as Chruch, at hanapin natin ang mga tao na nasa palengke ng mundo. Marami kasi sa ating mga mabubuting tao sa Simbahan ay para bang komportable na sa loob ng Simbahan. “Tutal naman ako’y mabuting tao, naglilingkod sa Diyos, ‘yong mga nasa labas, bahala na sila, kanila naman ang kalooban na manatili sa labas.” Ang Mahal na Birhen ay hindi gano’n. Nandito siya, lumalabas at nananatili sa labas, dahil iyon ang misyon ng Simbahan–buksan ang Puso ng Diyos at tawagin ang lahat. Pope Francis’ vision of an inclusive church, of universal fraternity is symbolized by Mary, the Virgin in the Patio, dahil siya ang naglalahad ng pag-ibig ng Diyos. Nasa labas upang magbantay sa Sangkatauhan, upang maghintay sa kanyang mga anak, at upang tawagin ang lahat ng mga nawalay sa Diyos. Mahal na Birhen sa Patio, manatili po kayo sa labas, dahil kami po, ang iyong mga anak ay lalabas din upang hanapin din namin ang aming mga kapatid. Kaming nasa labas na nakakalimot na sa pag-ibig ng Diyos ay babalik din dahil nandiyan ka, tumawatag sa amin, naghihintay para sa amin.

Lub. Kgg. DENNIS CABANADA VILLAROJO, D.D., Ph.D.

Obispo ng Malolos

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *